ANSWERED PRAYER
Sa isang aquarium, isa ako sa mga isdang naroroon,
Maaaring makapagbigay ng kasiyahan sayo sa iba’t-ibang pagkakataon.
Nasisilayan mula sa nakaharang na makapal na salamin,
Ngunit may pagkakataon kaya na may magtangkang makaalam ng aking mga saloobin?
Nakakatuwang isipin na may isang nilalang na nagtangka,
Nagmistulang hangal dahil ako lamang ay isang isda.
Mula sa kabilang salamin, ako’y kanyang pinagmamasdan,
Siya’y nakatingin at ako’y masuring minamatyagan.
Pilit na inuunawa ang dahilan kung bakit niya ito ginagawa,
Pero isa lamang akong isda na kulay berde na may konting lila.
Isdang walang ginawa kundi ang lumangoy,
Na kahit umiyak ay walang makakarinig ng aking panaghoy.
Napansin ko na kumuha siya ng gitara,
At agad kong napuna na malungkot ang kanyang tinutugtog na musika.
Mula sa kanyang mga mata’y may tumulong tubig,
Ito kaya’y galing sa aquarium na tirahan ko na di kaibig-ibig?
Kinausap niya ako at sinabing, “pwede bang magpalit na lang tayo ng katayuan?”
Kahit maging isda, hindi naman ako masasaktan nino man.
Kapag nagkamali ay agad na iiwan,
Ng mga taong akala ko’y di ako pababayaan.
Gusto kong tugunan ang sinabi ng taong ito,
Ang tubig sa kanyang mga mata’y patuloy pa rin na tumutulo.
Hindi ba niya alam na higit siyang mapalad kaysa sa akin?
Dahil siya’y may karapatan na magmahal at mahalin.
Ilang oras na ang nakalipas nang may dumating at ako yata’y nais kunin,
Lulutuin na ba ako at isasama na sa kanin?
Bigla akong nalungkot nang makita ko siyang nakangiti,
Napawi na siguro ang nararamdaman niyang pighati.
Hinayaan ko na lang ang kapalaran na ako’y kanilang kunin,
Nilagay sa isang lalagyan na parang may nagnanais na ako’y bilhin.
Nagdasal na lang ako na sana’y siya ay isang tao na mabuti,
Laking tuwa ko naman nang ang taong ito ay siyang aking minimithi.
